Coll. Martin at team POS, kakaiba pa rin ang galing!
BIGLANG sumipa pataas ang Inflation rate. Sinasabing naitala ang 7.7% sa Metro Manila at 12% sa ilang probinsya para sa nakaraang October, 2022. Ito ang pinakamalaki sa kasaysayan, ayon sa eksperto.
Walang dudang may masamang epekto ito sa pamumuhay ng mahigit 100 milyong populasyon ng Pilipino at higit sa ating ekonomiya. Asahan rin na madadagdagan ang bilang ng kababayan nating mga maralita na "nagdidildil ng asin" o hindi na kumakain ng 3 beses sa loob ng isang araw.
Para sa hindi pa nakakaalam, ang kahulugan ng inflation ay resulta nang pagsukat sa mataas na bayad ng mga serbisyo at presyo ng halos lahat ng bilihin, lalona ang pagkain sa mga merkado. Ito ay pangunahing kakambal na dulot ng nakakadismayang hindi maawat sa serye nang pagtaas ng halaga sa petroleum products, gulo sa pagitan ng Russia at Ukraine, mataas na halaga ng dolyar kontra sa piso natin at iba pang kauring problema.
Ang kinatatakutan natin dito, magkaroon ng tinatawag na "global recession" kapag nagpatuloy ang mataas na inflation. Maraming sektor at industriya ang mapipilayan. Nakakabahala! Hindi na puwede ang palasak nang pagpapayo na "paghihigpit ng ating mga sinturon" bilang panlunas o solusyon sa pangyayaring ito. Umabot na sa ating leeg ang paghigpit ng sinturon. Tsk, tsk, tsk!
Gayunman, may kaugnayan rin ang nakakalungkot na sitwasyon ng bansa ukol sa posibleng hindi inaasahang pagbagsak ng tax collection ng ilang district port collectors ng Bureau of Customs (BOC) na itinuturing second generating agencies ng ating gobyerno. Una ang Bureau of Internal Revenue (BIR).
Alam ba ninyo na malaking bahagi ng mga gastusin para sa pagpapatupad ng mga proyekto at programa ng ating pamahalaan ay galing sa nalilikom na buwis ng BOC? Opo! Daan-daang bilyon pisong halaga kada taon. Kaya kailangan makalikom ng sapat na buwis ang ahensya para patuloy na proteksyonan ang interes ng gobyerno.
Pero, maliwanag pa sa sikat ng araw, dahil sa mataas na inflation, nagkaroon ng pagtamlay ng importation at exportation business. Kabuntot nito, maraming waterfront stakeholders ang nabangkarote sa pagnenegosyo, partikular sa kanilang hanay na tinamaan ay maliliit na importers at brokers. Hindi maililihim nakadepende sa malakas na importasyon ang mataas na halagang koleksyong buwis ng Customs.
'Pag matumal ang pagpasok sa bansa natin ng imported o inaangkat na iba't ibang klase ng produkto, hindi makakalikom ang mga kolektor ng Customs ng sapat na halagang buwis para sa kanilang Puerto. Miski pa sabihing sila (collectors) ay tapat, matindi ang kasanayan, matalino, matino't mahusay para sa aktibong pagganap sa tungkulin.
Mahihirapan rin tayo masukat ang kakayahan ng Customs collectors sa pagkolekta ng buwis habang patuloy na abnormal ang kalagayan ng kalakalan. Miski eksperto sa pagkolekta ng buwis ang kolektor, sasabihin ay palpak dahil nabigo na madale ang over-target tax collection. Tama o mali?
At kahit may "super power o agimat" (Hehehe!) na taglay ang mga kolektor at assessment groups ng puerto, hindi kakayahin ng kanilang powers ang makalikom ng malaking halagang buwis. Mabibigo sila! Magiging "suntok sa buwan" lang ang kanilang pagpupursige. Hindi maitatago ang malungkot na katotohanang 'yan.
Subalit ang nakakabilib dito, sa 17 collection district ports ng Customs, meron ilang district collectors at assessment groups na taglay ang mga katangian na tinutukoy natin. Tunay na maipagmamagaling ang kanilang maayos at mahusay na paglilingkod sa ahensya. Nakaka-wow ang determinasyon, dedikasyon at todo-kayod na pagsisilbi, especially sa epektibong pagkolekta ng buwis at agresibong kampanya kontra ismagling para sa kapakanan ng ating gobyerno.
Kilala ba ninyo ang team Port of Subic (POS) na pinamumunuan ni District Collector Marites Meeks Martin? Kabilang siya sa ilang district collectors na pinatutungkulan natin. Kilalang-kilala ang naturang kolektor na bukod tanging umani ng mga papuri at 3 beses binigyan ng Golden awards. Paulit-ulit naitala sa kasaysayan ng Customs ang kanyang kapuri-puri't kakaibang accomplishments. Markado. Mahirap kalimutan! Hindi nakakahiyang ipagmagaling!
Base sa datos, maituturing consistent ang kanyang buwanan at taunang lagpas sa target na koleksyong buwis simula nang pamunuan ang POS noong 2017. Ibang klase si Coll. Meeks at team POS! Kakaiba ang talino't galing, promise!
Kaya hindi makatuwiran na bigyang kasalanan ang Customs collectors na may pagkakataon sumablay na masungkit ang buwanan at taunang target na koleksyong buwis sa panahon na matumal ang importasyon dulot ng mataas na inflation na posibleng lumobo hanggang first quarter ng 2023. Pandaigdigang krisis sa ekonomiya ito. Harinawa'y magbago na ang ihip ng hangin! Matapos na ang mistulang "malupit na hagupit ng latigo" na mahapding lumalatay sa buong katawan ni Juan Dela Cruz.
Comments
Post a Comment